Malaynón
Malaynón
Malaynón ang tawag sa wikang sinasalita ng mga katutubong Áti na naninirahan sa mga bayan ng Buruang, Nabas, at Malay, partikular sa barangay ng Cubay Sur, sa lalawigan ng Aklan. Kilalá rin sa tawag na Áti Malaynón ang parehong grupo at wika.
Mataas ang pagtingin ng mga Malaynón sa kanilang wika. Sa katunayan, ipinagbabawal ng grupo ang paggamit ng ibang wika sa kanilang lugar. Sínumáng katutubong Áti na dumayo sa ibang lugar at natuto ng ibang wika ay pinagbabawalang gamítin ang wikang iyon sa pagbalik niya sa nayon. Gayundin, ang sínumáng dayo sa kanilang lugar ay hinihikayat na matutuhan ang wikang Malaynón.
Sa kabila nitó, hindi maiwasang matutuhan nilá ang ibang wika tulad ng Hiligaynón, Aklánon, Sebwáno, Filipino, at Inglés dahil sa pakikisalamuha sa mga táong dumarating sa kanilang tanggapan at sa pagdalo sa mga aktibidad sa labas ng komunidad. Ang ibang matatanda na hindi nakalalabas ng komunidad ay nananatiling monolingguwal. Nananatili ring monolingguwal ang mga batà hanggang sa tumuntong silá sa paaralan at matuto ng wikang Filipíno at Inglés.
Pangalan ng Wika | Malaynón |
Iba pang Tawag sa Wika (alternate names) | Âti Malaynón |
Pangkat na Gumagamit ng Wika | Âti |
Sigla ng Wika | Malubhang nanganganib (Salik 3) |
Klasipikasyon | Greater Central Philippine, Central Philippine, Bisayan, West |
Mga Kilalang Wikain (dialects) | |
Populasyon | 2,275* (PSA 2020 Census of Population and Housing Buruanga, Malay, Nabas) |
Bilang ng Sambahayan na Gumagamit ng Wika | 76 (PSA 202 Census of Population and Housing) |
Lokasyon | Barangay Cubay Sur, Malay, Aklan; sinasalita rin ito sa bayan ng Buruanga at Nabas, lalawigan ng Aklan |
Sistema ng Pagsulat | |
Iba pang Talâ | *Kabuoang populasyon ng Ati na nagsasalita rin ng iba pang wika |
Responses